Pages



Friday, May 25, 2007

champorado

Naalala ko pa nung medyo bata bata pa ako (hey im only 25) na champorado ang madalas naming agahan sa bahay. Sarap na sarap ako dito lalo na pag may halong gatas mapa powder man or ung nasa lata. Pero parang may anong gayuma ang luto ni mama dahil pag iba na ang nagluto ng champorado kong paborito e parang hindi ko gusto o hindi ko malaman kung kulang ba sa gatas o sa cocoa. Madalas pag natatanong si mama kung ano gusto kong kainin e champorado agad ang sigaw ng aking bibig. Pero di naman ako ganun mapili dahil meron din namang mangilan ngilan na nagugustuhan ko ang kanilang luto. Tulad nalamang ng luto ng inay ng isa sa mga kaibagan ko.

Yung kaibigan ko na yon ay medyo hindi kagandahang lalaki. Minsan tampunan sya ng kantyaw sa magkakabarkada. "Pero ano magagawa nya kung eto ang pinagpala sakin Nya?" yan lagi ang nasasabi nya habang nagbubuhos ng sama ng loob sa akin. Hindi mo sya makikitang nagagalit pag nagkakalokan na at sya ang sentro ng lokohan. Minsan magugulat ka nalang kasi makikipagsabayan pa sya sa iyo sa panglalaglag nya sa sarili nya at madalas makikita mo syang nakikipagsabayan ng tawa. Pero di nila alam na tinatamaan din sya sa mga biro ng aming mga kaibigan. Na kung minsan tumatawa sya para hindi nya ipahalata na minsan sobra na ang mga panglalait na inaabot nya.

Minsan nagkausap kami habang kumakain ng champorado. Naitanong ko sa kanya kung bakit di sya nagagalit sa tuwing inaalaska sya ng mga kaibigan namin. Wala namang mabuting idudulot kung magalit man ako, totoo naman ung sinasabi nila na pangit ako kaya imbes na magkagalit pa kami edi sabayan ko nalang sila ng tawa... yan ang sagot nya. Bilib din ako sayo, kakaiba ka talaga. Napansin ko na may malalim syang iniisip habang tinitingnan nya ung mangkok ng champorado nya kaya tinanong ko kung ano un.

Eto ang sabi nya...
Balang araw may magkakagusto din sakin. Parang itong champorado na ito. Tingnan mo. Di naman nakakatuwa ang itsura ng champorado. Sa totoo lang dati ayaw kong kumain nito kasi nandidiri ako sa itsura. Parang kumpol ng taeng di mo malaman kung saan galing. Pero kung di mo susubukang kumain kahit isang kutsara e hanggang dun nalang ang pagkakaintindi mo sa champorado. Hanggang sa itsura nalang na kakaiba ang masasagot mo pag tinanong ka kung ano ang champorado.

Hindi ko makuha kung saan paparoon ang usapan namin kaya hinayaan ko nalang sya magsalita habang inuubos ko ung champorado ko.

Isipin mo. Hindi mo malalaman ang sarap ng champorado kung di mo ito titikman. Ang nilamnam ng pinaghalong gatas at tsokolate. Ang init na dulot nito habang unti unting nalulusaw sa iyong bibig at kung papaano ka kayang busugin ng isang mangkok na champorado.

edi ibig mong sabihin na para kang tae na inilabas pagkatapos kumain ng champorado??? ang biro ko sa kanya.

Tae hindi ganun ang ibig kong sabihin. Balang araw may makikita din akong babae na hindi titingin sa mukha ko kundi kung ano ang meron ako dito... sabay hawak sa kanyang dib dib...

tol wala ka nang baga... ano pang makikita dyan? biro ko ulit...

Tae ka talaga ewan ko nga sayo... sagot nya habang tumatawa ng malakas... Naiintindihan mo naman ang sinasabi ko diba?

OO... Na kulang pa yang kinakain mo dahil kung ano ano na sinasabi mo... gutom lang yan... sagot ko...

Pero sa totoo lang... Dun ko nakita ang kalungkutan at pagasa ng isang taong biniyayaan ng ganong karakas. Kalungkutan sa mga taong nakapaligid sa kanya na walang ginawa kundi ang libakin sya at pagasang may taong titingin sa kanya at makikita hindi lamang ang kanyang pisikal kundi ang kabutihan ng kanyang loob.

Ikaw ano naiisip mo pag kumakain ka ng champorado???

No comments: